PCSO Chair Ayong Maliksi, kinasuhan sa Ombudsman

maliksiSinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman si Philippine Charity Sweepstakes Office Chairman Ayong Maliksi dahil sa umano ay iregularidad sa kaniyang pagganap sa tungkulin bilang pinuno ng ahensya.

Nakasaad sa walong pahinang complaint affidavit na inihain ni Jennifer Castro, pangulo ng Filipino Alliance For Transparency and Empowerment o FATE, nilabag umano ni Maliksi ang mga probisyon sa anti-graft and corrupt practices act at code of conduct and ethical standards for public officials and employees.

Ito ay nang pagkalooban mismo ni Maliksi ng guarantee letter ang kanyang personal driver na may petsang December 9, 2015 para makakuha ng mahigit P2 milyon ayuda mula sa ahensiya.

Napag-alaman din ng FATE na si Celestino Aman, na personal driver ni Maliksi ay nagsisilbi rin bilang consultant at confidential agent ng PCSO.

Giit pa ng complainant, malinaw na may preferential treatment o pinaburan ni Maliksi si Aman para makakuha ng kabuuang P2,151,955.33 na grant mula sa ahensiya.

Personal din umanong inendorso ni Maliksi ang mabilis na pagpapalabas ng benepisyo para Kay Aman.

Sumulat pa umano si Maliksi sa Philippine Heart Center kung saan na-confine si Aman para gamitin din ang kanyang unused PDAF bilang pantapal sa balanse ni Aman para sa bayad sa kuwarto at professional fee na nagkakahalaga ng P700,000.

Ito ay kahit hindi na kongresista noon si Maliksi at naideklara nang labag sa Saligang Batas ang PDAF.

Idinagdag pa ni Castro sa kanyang complaint affidavit ang napabalitang mga ghost employees ng respondent sa ahensiya kabilang na si Aman.

At bagaman pumanaw na si Aman noong Agosto ng 2015 ay nanatili pa rin ang kontrata nito sa PCSO bilang consultant hanggang noong December 31, 2015 na ang ibig sabihin ay sumusuweldo pa rin siya kahit patay na.

Read more...