Bilang pagsunod sa itinatadhana ng batas idineposito na ng Commission on Elections o Comelec sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang source code na gagamitin sa May elections.
Personal na dinala ni Comelec Chairman Andres Bautista sa BSP ang source code na nakalagay sa isang deposit box kasama si Comelec Commissioner Robert Lim.
Ayon kay BSP Deputy Governor Vicente Aquino ginagawa nila ang kanilang bahagi upang masigurong ligtas ang source code.
Tiniyak naman ni Aquino na nasa mabuting kamay ang source code dahil maraming mga security na daraanan bago makarating sa vault ang source code, maliban pa sa ang Bangko Sentral ang pinakaligtas na lugar sa Pilipinas.
Hindi anya nila hahawakan o kaya naman ay titingnan man lang ang nasabing source code at ang mga tanging otorisadong tao lamang ang maaring makapasok sa vault na pinaglalagyan nito.
Sinabi naman ni Bautista na gagawa sila ng security protocol kung saan nakasaad kung sino lamang ng maaring makapasok sa vault at hindi maari na iisang tao lamang ang papasok.
Bukod sa Comelec, ang Smartmatic TIM lamang ang may kopya ng nasabing source code.
Magbabayad naman ng P1,700 kada buawan ang Comelec sa BSP para sa paggamit ng safety deposit vault nito na pinaglagyan din ng mga source code noong 2010 at 2013 elections.