Ayon sa ahensya, pasakay sana ang tatlong babae ng eroplano patungong Hong Kong para sa trabaho noong Biyernes, January 10, nang maharang sa NAIA Terminal 1.
Sinabi ng BI na nagpanggap pa ang mga babae bilang turista ngunit napansin ng immigration officer na hindi angkop ang mga pahayag nito dahilan para isalang sa secondary inspection.
Ayon kay Ma. Timotea Barizo, pinuno ng BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU), inamin din ng tatlo na pabalik sila ng Hong Kong para magtrabaho sa isang bar sa pangakong makatatanggap ng sweldong aabot sa 500 Hong Kong dollars kada araw.
Inamin din ng tatlo na na-recruit sila ng isang babaeng agent sa pamamagitan ng Facebook lamang.
Gumastos anila sila ng P15,000 para sa kanilang plane tickets habang ibabawas naman ng kanilang recruiter sa makukuhang sweldo ang bayad sa pagproseso ng kanilang travel documents.
Dinala na ang tatlo sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa isinasagawang mas malalim na imbestigasyon.