Hindi umano totoong pinagkakakitaan ni Lt. Col. Ferdinand Marcelino ang kaniyang mga operasyon laban sa ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Maj. Vonne Villanueva, mistah ni Marcelino, nananatiling simple ang pamumuhay ni Marcelino at kaniyang pamilya, sa kabilang ng malalaking anti-drugs operations nito.
Katunayan ayon kay Villanueva, may utang pa nga si Marcelino sa hinuhulugan nilang bahay at maaring ito ay maremata pa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Villanueva na hindi si Marcelino ang klase ng taong maghahangad na kumita ng pera sa mali o illegal na pamamaraan.
‘Yung bahay na pinupundar nilang mag-asawa hindi nabayaran ang mortgage at baka maremata pa. Hindi yumaman si Marcelino dahil sa drugs at hindi siya ang klase ng tao na maghahangad kumita ng pera sa maling paraan,” sinabi ni Villanueva.
Dagdag pa ni Villanueva, kahit busisiin pa ang bank accounts ni Marcelino para matukoy na talagang hindi ito yumaman.
Umaasa naman si Villanueva at ang iba pang mistah ni Marcelino na mailalahad ang katotohanan sa korte hinggil sa pagkakadakip sa kaniya habang siya ay nasa loob ng isang clandestine laboratory sa Sta. Cruz, Maynila.