Ayon kay Pacquiao, pangunahing may akda ng Republic Act no. 11227 o ang Handbook for Overseas Filipino Workers of 2018, marami sa mga OFW ang nasa panganib sa kanilang pagkayod sa ibang bansa.
Ito aniya ang dahilan kayat inihain niya ang Senate Bill 997 na layong bumuo ng Department of Overseas Employment para lubos na mapagsilbihan ng gobyerno ang OFWs at mapangalagaan ang kanilang kapakanan.
Una nang nangako si Pacquiao na bibigyan ng P100,000 ang pamilya nina Abigail Danao Leste, Arlyn Nucos at Jeanelyn Villavende bukod sa scholarship assistance sa mga anak ng tatlo.
Magugunita na sina Leste at Nucos ay nasawi sa Singapore dahil sa aksidente sa kalsada, samantalang si Villavende ay napaulat na pinatay ng kaniyang amo sa Kuwait.
Pagdidiin ng senador ay matapos na ang pag-problema pa ng pamilya ng mga biktimang OFWs sa pagpapauwi ng bangkay gayundin ang paghahabol nila sa hustisya.
Katuwiran ni Pacquiao, kapag may kagawaran na para talaga sa OFWs ay mabibigyan ng ganap at mabilis na serbisyo ang mga kababayan natin na kinikilala nilang mga ‘bagong bayani.’