Handang tanggapin ni Sen. Grace Poe, bilang chairman ng Senate committee on public order and drugs, ang anumang ebidensyang ipi-presenta sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa Mamasapano incident, kabilang ang audio recording na hawak ni retired Chief Supt. Diosdado Valeroso.
Ito’y sa kabila ng babala ni Senate President Franklin Drilon na hindi maaaring gamitin ang nasabing ebidensya umano na hawak ni Valeroso, dahil una, siya na mismo ang nagsabi na hindi pa ito beripikado, at pangalawa, ito ay magiging paglabag sa Republic Act No. 4200 o mas kilala bilang Anti-wiretapping law.
Ang nasabing recording ay isang pag-uusap sa pagitan ng isang opisyal ng gobyerno at ng isang mambabatas tungkol sa umano’y pagko-cover up sa Mamasapano incident na ikinamatay ng SAF 44.
Ayon kay Drilon, hindi maaring gamitin sa open man o closed door session ang nasabing recording nang hindi nilalabag ang nasabing batas.
Ngunit, sinabi ni Poe na tatanggapin niya ang anumang ebidensyang makapagtuturo sa katotohanang dapat malaman ng mamamayan, kahit batid niyang hindi ito naberipika ni Valeroso.
Ani Poe, kung hindi ito maaring isa-publiko, maari itong gamiting basehan sa isang executive session.
Giit ng senadora, hindi siya mapipigilan ng anumang babala na nagsasabing ito ay iligal dahil hindi niya mahahayaang magamit ito para pag-takpan ang katotohanan.
Muli namang iginiit ni Drilon na executive session man o hindi, hindi ito maaring i-play sa Senado dahil isa itong wiretapped recording.
Katwiran ni Drilon, bilang mga senador, hindi sila nakatataas sa batas, kundi sila dapat ay sumusunod dito at malinaw na malinaw naman ang nakasaad sa batas kaya’t wala nang dahilan para magkaroon pa ng misinterpretation.