Mas maraming Pilipino na ang umaasang magiging mas mabuti ang buhay sa loob ng susunod na 12 buwan o isang taon.
Lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na dalawa sa limang Pilipino ang nagsabing mas positibo ang kanilang pananaw sa magandang pagbabago sa kanilang buhay ngayong taon.
Ito na ang pinakamataas na resultang lumabas sa loob ng tatlong dekada, at ang pinakamataas na naitalang bilang ng mga Pilipinong nagpahayag ng pagiging positibo sa ekonomiya ng bansa ngayong taon.
Sa 1,200 na respondents sa buong bansa na may edad 18 pataas, 45 percent sa kanila ang nagsabing nakikita nilang mas bubuti ang kanilang buhay ngayong 2016, habang kabaliktaran naman ang pananaw ng 5 percent. Ang pinakahuling figures na ito ay nag-resulta ng personal optimism net score na “very high” sa +40, at ito ang pinakamataas na naitala ng SWS simula nang umpisahan nila ang nasabing survey noong April 1984.
Mayroong margin of error ng plus-or-minus 3 percent ang nasabing survey ng SWS.
Samantala, 39 percent sa mga respondents ang nagsabing inaasahan nilang gaganda ang ekonomiya ngayong taon, habang 8 percent naman ang nagsabi ng kabaligtaran.
Nang tanungin naman sila tungkol sa naging kalidad ng buhay nila sa nakalipas na 12 buwan, 31 percent ang nagsabing umasenso naman sila, habang 27 percent ang nagsabing lumala pa ang kanilang sitwasyon.