Pinaalalahanan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga pulitikong “epal” na mahilig maglagay ng kani-kanilang mga tarpaulin at posters malapit sa mga proyektong ipinagawa at pinondohan ng gobyerno.
Kaugnay nito, mas pinaigting na ng DPWH ang kanilang kampanya laba sa mga “epal” na pulitiko na mahilig angkinin ang proyekto ng pamahalaan lalo na tuwing panahon ng eleksyon para magpabango ng pangalan sa publiko.
Ayon kay DPWH Southern Mindanao director Mariano Alquiza, mahigpit nilang ipinapatupad ang utos ng kagawaran tungkol sa paglalagay ng mga billboards na may mukha at pangalan ng mga pulitiko sa mga proyektong tulad ng mga ginagawang konkreto.
Ani Arquiza, hindi man nila kayang pigilan ang mga pulitikong ito, pero nangako siya na oras na may makita silang mga katulad na billboards, tatanggalin nila ito.
Kamakailan lang aniya, nag-baklas ang kanilang mga field personnel ng mga tarpaulins at billboards sa Southern Mindanao, ngunit tumanggi na siyang pangalanan ang pulitiko.
Nakasaad pa sa department order na inilabas ni Public Works Sec. Rogelio Singson noong February 2013, hindi maaring maglagay ng mga katulad na tarpaulins o billboards sa loob ng 100 metro ng bukana at dulo ng proyekto.
Ayon pa dito, walang sinumang pulitiko ang may karapatang akuin ang pagkilala para sa mga proyektong ginawa ng pamahalaan.
Dagdag ni Arquiza, kahit pa may ilang pulitikong nananatiling pasaway, hindi magsasawa ang DPWH na baklasin ang mga ito.