Dahil sa sunod-sunod na pagtataas ng yellow alert sa Luzon Grid, posibleng tumaas ang singil sa kuryente ngayong buwan ng Hulyo.
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, ang ilang araw nang nararanasang manipis na reserba ng kuryente sa Luzon ay nakapagdaragdag ng gastos sa mga planta.
Simula pa noong Biyernes hanggang kahapon, araw ng Miyerkules ay inilalagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa yellow alert ang Luzon Grid dahil sa manipis na reserba ng kuryente.
Sa ilalim ng yellow alert, malaki ang tsansang makaranas ng power interruption kapag mayroon pang bumigay na planta na nagsu-supply ng kuryente sa Luzon.
Sinabi ni Zaldarriaga na may ilang pagkakataon na umabot sa maximum na P30 kada kilowatt hour ang presyo dahil sa pagpalya ng ilang planta.
Sa ngayon may ilang malalaking planta ang tigil muna sa operasyon dahil sa pagpalya.
Para ngayong araw, 990 megawatts lamang ang reserba ng kuryente sa Luzon ayon sa NGCP./ Dona Dominguez-Cargullo