“Nasaan ang gobyerno?- sa paglulunsad ng partidong United Nationalist Alliance (UNA) ilang ulit itong tinanong ni Vice President Jejomar Binay lalung-lalo na sa panahong kailangang-kailangan ito ng mamamayan.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Binay na sa loob ng limang taon, marami pa rin ang walang trabaho, nagugutom at mga maysakit na hindi makapagpagamot. Marami rin aniyang hindi makapag-aral at talamak pa rin ang krimen, iligal na droga at matindining kahirapan.
Sa pagkakataong ganito, sinabi ni Binay na ang tanong ng sambayanan ay “nasaan ang gobyerno?”
Muli ring binanggit ni Binay ang kapalpakan sa Metro Rail Transit na tinawag niyang “running train coffin”. Gayundin ang Mamasapano operation na nauwi sa pagkakapatay sa 44 na opisyal at miyembro ng Special Action Forces ng Philippine National Police. Ayon kay Binay ay wala pa ring nabibigyan ng hustisya sa mga nasawing miyembro ng SAF.
“Dahil sa anomalya at pangongotong sa MRT, palpak ang serbisyo. Iilan na lamang ang tumaktakbong bagon. Sa haba ng pila at matinding siksikan – papasok ka na amoy bagong-ligo, lalabas ka ng tren na amoy pawis. Ang dasal ng mahigit kalahating milyong pasahero sa bawat araw ay wala sanang aberyang mangyari sa sinasakyan nilang running train coffin,” ayon kay Binay.
Tiniyak rin ni Binay sa publiko na ang UNA ay hindi samahan ng mga palpak at manhid na opisyal ng Pamahalaan sa halip sila aniya ay partidong may galing at talino, makatao, may malasakit, at nakikinig sa hinaing ng mga mamamayan.
“Ang UNA ay hindi samahan ng mga palpak at manhid. Hindi ito samahan ng mga tamad, usad-pagong at teka-teka sa pagharap sa mga problema ng bayan,” dagdag pa ni Binay./ulat ng Philippine Daily Inquirer/Dona Dominguez-Cargullo