Kinwestyon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pag-imbita sa kaniya sa presidential debates na pangangasiwaan ng Commission on Elections (COMELEC) at ng mga media partners nito.
Ayon kay Duterte, bakit siya iimbitahin ng COMELEC sa unang debate na gaganapin sa Cagayan de Oro, gayong hindi pa nga nareresolbahan ang mga kasong diskwalipikasyong nakahain laban sa kaniya.
Kaya naman tanong ni Duterte sa COMELEC, “Kandidato ba ako?”
Sa una’y sinabi ni Duterte na baka hindi siya makapunta sa debate na gaganapin sa February 21 dahil abala siya sa paghahanap ng pondo para sa kaniyang kampanya.
Ngunit nitong Lunes lang, sinabi ni Duterte na pupunta lamang siya sa presidential debate kung ide-deklara ng COMELEC na isa na siyang lehitimong kandidato.
Ayaw naman niya aniyang makisali sa debate, pagkatapos ay ididiskwalipika rin lang ng poll body.
Dagdag pa ni Duterte, dapat ay resolbahin muna ng COMELEC ang mga kaso laban sa kaniya, at tiyakin muna ang pagiging kandidato niya bago siya imbitahin.
Ang unang presidential debate ng COMELEC ay gaganapin sa Cagayan de Oro City sa February 21 na pangungunahan ng Inquirer kaagapay ang GMA-7.