War on drugs ng administrasyong Duterte, bigo – VP Robredo

PHOTO GRAB: VP Leni Robredo/FACEBOOK

Inihayag ni Vice President Leni Robredo na bigo ang ikinakasang kampanya kontra sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte.

Sa inilabas na ulat sa war on drugs, nakaligtaan ang pagtugis kung saan nanggagaling ang bulto ng mga ilegal na droga.

Sa halip na tutukan ang mga maliliit na tulak ng droga, sinabi ni Robredo na dapat habulin ang mga tinatawag na high-value target (HVT).

Kailangan din aniyang alamin kung gaano karaming shabu ang umiikot sa bansa.

Base aniya sa datos mula sa Drug Enforcement Group ng Philippine National Police (PNP), sinabi nito na nasa 3,000 kilong shabu ang nauubos ng mga gumagamit nito kada linggo o 156,000 kilo kada taon.

Ngunit, lumabas din sa datos na nasa 1,344 kilo lamang ang nasamsam ng gobyerno noong 2019, 785 kilo noong 2018 habang 1,053 kilo naman noong 2017.

“Ang tatlong libong kilong shabu bawat linggo ay may halagang P25 billion. Ibig sabihin, P1.3 trillion ang halaga ng umiikot na shabu kada taon. Ngunit ayon din sa opisyal na datos, P1.4 billion lamang ang halagang naipit ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) mula 2017 hanggang 2018,” ani Robredo.

Wala pa aniya ito sa isang porsyentong umiikot na pera sa drug trade.

“Malinaw na malinaw na ayon mismo sa opisyal na datos, sa kabila ng lahat ng mga Filipinong pinatay at lahat ng perang ginastas, hindi lumampas sa isang porsyento ang naipit natin sa supply ng shabu at sa perang kinita mula sa droga,” giit pa ng bise presidente.

Dagdag pa ni Robredo, kung iisipin itong eksaminasyon, “1 over 100” ang ibibigay na grado sa pamahalaan.

“Isipin na lang natin. Kung exam ito, ang magiging score ng ating pamahalaan ay 1 over 100,” ani Robredo.

Kasunod nito, inirekomenda ni Robredo na dapat palitan ang istratehiya kasama na ang pagtigil ng Oplan Tokhang at paglalabas ng malinaw na guidelines para sa kampanya.

“Mula sa datos na ito, makikita natin na kinakailangan ang pagpalit ng istratehiya kasama na rito ang pagtigil sa [Oplan] Tokhang at paglabas ng bagong kasulatang mayroong mas malinaw na layunin at operational guidelines para maiwasan ang mga naging abuso ng iilan sa kampanyang ito.” ayon kay Robredo.

Iginiit din nito na sa halip na patayin o habulin ang mga maliliit na nagbebenta ng ilegal na droga sa kalsada, kailangang tugisin ang pinanggagalingan ng nito.

Ang malalaking drug lords, ani Robredo, ang tunay na kalaban at hindi ang mga ordinaryong mamamayan.

Napabayaan din aniya ang ilang apesto ng drug war.

Inirekomenda ni Robredo na ilipat sa Dangerous Drugs Board (DDB) ang chairmanship ng ICAD.

Mas may kakayahan aniyang magplano ang DDB sa pangkalahatang programa para makatulong ang bawat miyembro ng ICAD.

Mas magiging balanse, ani Robredo, ang kampanya kontra sa ilegal na droga at lahat ng apesto ay matutugunan kung ang DDB ang hahawak ng ahensya.

Ani Robredo, kailangang tutukan ng pangulo ang bawat aspeto ng kampanya.

Mas makakabwelo aniya ang ICAD sa mga tungkulin kung buo ang suporta ng pangulo.

“Hindi co-chair ang kailangan ng ICAD. Ang kailangan nito ay ang pagtutok ng pangulo,” ani Robredo.

Iginiit pa nito na walang mangyayari kung hindi papansinin ang mga mungkaing ibinibigay ng ICAD tulad ng pagbuo ng national anti-illegal drugs task froce.

Nagpasalamat pa rin si Robredo kay Pangulong Duterte dahil sa ibinigay na pagkakataong makatulong bilang co-chair ng ICAD.

Wala aniyang nasayang sa loob ng 18 araw sa nasabing pwesto.

Naglabas ng ulat sa bayan si Robredo matapos maitalaga bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) sa loob ng 18 araw.

Narito ang buong talumpati ni Robredo:

Read more...