Sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos, nanawagan si Pope Francis sa mga bansa na magsagawa ng ‘dayalogo’ at ‘self-control’.
Sa kanyang Angelus address sa Vatican araw ng Linggo, bagama’t hindi binanggit ang Iran at US, sinabi ng Santo Papa na may ‘terrible air of tension’ na nararamdaman ngayon sa maraming bahagi ng mundo.
“I call upon all parties to fan the flame of dialogue and self-control, and to banish the shadow of enmity,” ani Pope Francis.
Nagbabala ang lider ng Simbahang Katolika na magdadala lamang ng kamatayan at pagkasira ang giyera.
“War only brings death and destruction,” dagdag ng Papa.
Sa gitna rin ng kanyang Angelus address, inimbitahan ng Santo Papa ang pilgrims na tahimik na manalangin para sa intensyon ng dayalogo at pagpapahupa sa lumalalang tensyon.
Ang pahayag ng Santo Papa ay matapos masawi sa US drone strike sa Baghdad Airport ang Iranian military top commander na si Qassem Soleimani.
Nagpahayag ang Iran na gaganti sa US bunsod ng nangyari sa lider.