Angkas 99 porsyentong pag-aari ng dayuhan base sa datos ng SEC

Lumabas sa ginawang pag-aaral ng binuong Technical Working Group ng Department of Transportation o DOTr na maraming nilabag sa umiiral na batas at guidelines ang Angkas.

Nabatid na 99 porsyentong pag-aari ng dayuhang korporasyon ang Angkas o DBDOYC na paglabag sa batas.

Base sa record ng Securities and Exchange Commission isang Angeline Xiwen Tham na Singaporean National ang may-ari ng 99.996% ng Angkas.

Sa ilalim ng batas ukol sa common carriers, dapat 60% pag-aari ng mga Filipino ang nagmamay-ari ng pampublikong transportasyon sa bansa.

Kahit labag din sa guidelines ay patuloy ang pagkolekta ng Angkas ng surcharge fees na dahilan ng mataas na pamasahe rito.

Nabatid pa na nagsasagawa ng operasyon ang Angkas sa labas ng itinalagang pilot run areas, marami ring mga commuter na nagrereklamo sa Angkas dahil sa paglabag sa kaligtasang pantrapiko, gaya ng hindi pagsuot ng helmet at vest ng mga rider at conmuter, at pagpayag sa paggamit ng hindi awtorisadong safety gears.

Samantala, iginiit ng TWG ng DOTr na walang iregular sa pagsasagawa ng kanilang mandato para sa pagpapalawig ng pilot study sa motorcycle taxi dahil ito ay base sa Special Order (SO) na nilagdaan at inisyu ni DOTr Secretary Arthur Tugade noong December 19, 2019.

Nagtataka naman ang TWG kung bakit kinukwestyon ng Lawyers for Consumer Safety and Proctection ang guidelines na ipinapatupad nila pag determina sa praktikalidad at kaligtasan ng Motorcycle Taxi Service at para isulong ang patas na kumpetisyon at pangalagaan ang interes ng publiko at mga commuter.

Nanindigan din ito na lahat ng interesadong motorcycle taxi TNCs ay kanilang isinasailalim sa istriktong inspeksyon at proseso ng delibersayon.

Ang mga TNCs anila ay sinuri sa antas ng kanilang preparasyon sa pagsali sa study, ang kahandaan ng kanilang apps, ang kahusayan ng kanilang riders, ang pamantayan ng kaligtasan ng kanilang mga gamit, riding system at ang kanilang respektibong training facilities.

Read more...