Inihayag ni Philippine National Police (PNP) officer-in-chargen (OIC) Lt. Gen. Archie Gamboa na wala siyang nakikitang problema sa pagkaantala ng pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ng susunod ng hepe ng pambansang pulisya.
Sa press conference sa Camp Crame sa Quezon City, sinabi ni Gamboa na walang problema rito hangga’t napapatakbo nang maayos ang kanilang hanay.
Nilinaw din ng opisyal na nire-review ng National Police Commission (Napolcom) ang bawat hakbang na ipinatutupad nito simula nang italaga sa pwesto.
Sinabi pa ni Gamboa na dalawang katungkulan ang dinagdag sa kaniya ng Napolcom kabilang ang pagtatalaga ng police lieutenant colonels.
Matatandaang ipinag-utos ng pangulo kay DILG Secretary Eduardo Año na pangunahan at ayusin ang PNP habang pinag-iisipan ang susunod na papalit kay dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde.
Itinalaga naman ng pangulo si Gamboa bilang OIC ng PNP simula noong buwan ng Oktubre.