Sa inilbas na pahayag, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kaso ni Jeanelyn Padernal Villavende para mabigyan ng hustisya ang biktima at naiwang pamilya nito.
Ayon pa kay Panelo, ito ay malinaw na indikasyon na binabalewala ang kasunduang pinirmahan ng Pilipinas at Kuwait noong 2018 para maproteksyunan ang karapatan ng mga manggagawa sa nasabing bansa.
“We consider Jeanelyn’s tragic death a clear disregard of the agreement signed by both our country and Kuwait in 2018 which seeks to uphold and promote the protection of the rights and welfare of our workers in Kuwait,” ani Panelo.
Ipinag-utos na aniya sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pagbibigay ng burial at livelihood assistance, at maging scholarship sa pamilya ng biktima.
Dagdag pa ni Panelo, tinututukan din ng Philippine Overseas Labor Office ang resulta ng forensic investigation habang nakikipag-ugnayan sa pamilya ng biktima para sa pagpapauwi ng mga labi ni Villavende.
Nagparating naman si Panelo ng pakikiramay sa pamilya at mahal na buhay ng OFW.
Nasa kustodiya na ng mga otoridad sa Kuwait ang babaeng employer ni Villavende.