Miss Universe, balak pumasok sa pulitika

 

Grig Montegrande/Inquirer

Nagpahiwatig ng kagustuhang pumasok sa mundo ng pulitika si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

Sinabi ito ni Senate President Franklin Drilon matapos ang courtesy call ni Wurtzbach sa Senado at para na rin tanggapin ang kopya ng resolusyon ng pagbati at papuri para sa pag-uwi ng Miss Universe crown sa ngalan ng Pilipinas.

Ayon kay Drilon, hindi na raw niya ikinagulat ang pagkakabanggit sa kaniya ni Pia tungkol dito dahil nabatid na niya ito sa mga sagot niya sa mga tanong na may kaugnayan sa pulitika tulad na lang ng tungkol sa presensya ng mga tropa ng United States sa bansa.

Ngunit, imbis na himukin si Wurtzbach na pasukin ang pulitika, pinayuhan ni Drilon si Miss Universe na subukan muna ang appointive post sa gobyerno kung saan tiyak na maisusulong niya ang kaniyang mga adbokasiyang nais niyang isulong.

Matatandaang sa mismong sagot niya sa patimpalak, binanggit ni Wurtzbach na isa sa pangunahin niyang isusulong ay ang HIV prevention.

Samantala, mainit namang sinalubong ng mga Pinoy si Wurtzbach sa mahabang parada nito sa Maynila, Pasay at Quezon City.

Sa kabila ng maalinsangang panahon at kalauna’y bahagyang pag-ambon, hindi alintana ni Wurtzbach ang pagod at walang humpay na nginitian at kinawayan ang mga kababayang sumalubong sa kaniya at ipinagdiriwang ang kaniyang pagka-panalo.

Hindi rin alintana ng mga tao ang trapik na naranasan dahil sa limitadong daanan dulot ng parada ni Wurtzbach at karamihan pa sa mga tao, mapa-empleyado, estudyante, motorista at pasahero ay naghintay na matunghayan ang Miss Universe.

Ilang beses pa ngang kinailangan ni Pia na yumuko at umiwas sa mga kable ng kuryente, at maging sa mga daanan ng LRT habang ginaganap ang parada dahil na rin sa taas ng kaniyang sinasakyang float.

Nagtapos naman ang kaniyang parada sa Araneta Center sa Cubao, kung saan natunghayan pa ni Miss Unvierse ang makulay na fireworks display na inihandog para sa kaniya.

Naging emosyonal si Pia sa mainit na pagtanggap at pakikiisa ng mga tao sa kaniyang tagumpay bilang Miss Universe 2015.

Read more...