Sumablay ang dalawang tauhan ng Bureau of Customs na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport nang buksan ng mga ito ang isang ‘package’ na nakalaan sana para sa bibisitang pinuno ng Japan na sina Emperor Akihito at Empress Michiko.
Ayon kay NAIA Customs District Collector Edgar Macabeo, agad na pinatawan ng kaukulang ‘reprimand’ sina Customs examiner Pompeo Manalo at supervisor nito na si Emily Balatbat dahil sa ‘breach of protocol’ sanhi ng naturang pangyayari.
Ayon kay Macabeo, November 30 nang buksan ng dalawa at idaan sa inspeksyon ang isang ‘diplomatic pouch’ na naka-consign sa Japanese Embassy na naglalaman ng mga opisyal na Japanese documents.
Bukod dito, laman din ng ‘package’ ang mga bote ng ‘rice wine’ na gagamitin para sa welcome reception pagdating ng Imperial couple sa bansa.
Paliwanag ni Macabeo, may kaukulang ‘diplomatic immunity’ ang mga package o pouch kaya’t hindi ito dapat binuksan ng dalawang customs examiner.
Dagdag pa ni Macabeo, humingi na sila ng paumanhin sa Japanese embassy sa ‘honest mistake’ na ginawa ng kanyang mga tauhan.