Ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, alinsunod sa ating justice system, mananatiling inosente si Marcelino hanggang hindi napapatunayang siya ay may kasalanan at maari siyang gumamit ng legal assistance mula sa militar kung kakailanganin at hihilingin niya ito.
Sa ngayon, wala pa namang request si Marcelino tungkol dito dahil si Dennis Manalo ang kasalukuyan niyang legal counsel.
Ani Padilla, naiintindihan at nirerespeto nila ang desisyon ni Marcelino tungkol dito.
Bukod dito, nanawagan rin si Padilla sa otoridad at publiko na isailalim o idaan muna sa tamang proseso ang kaso ni Marcelino bago siya husgahan.
Bilang kasapi ng militar, sinabi ni Padilla na mataas ang kredibilidad ni Marcelino lalo na sa mga taong nakatrabaho niya.
Hindi rin aniya mahuhusgahan ng AFP sa ngayon ang kaso, kaya naman ipinauubaya na nila sa mga tamang otoridad ang imbestigasyon at ang tanging tinitiyak niya ay lalabas rin ang katotohanan sa likod nito.