Binalaan ni Makati Acting Mayor Romulo ‘Kid’ Peña ang mga opisyal ng lungsod na mananagot sila sa batas kapag hindi nila kinilala ang kanyang otoridad bilang kapalit ni suspended Mayor Junjun Binay.
Makikiusap muna si Peña, ngunit sa mga hindi susunod sa hakbang ay ipapatupad nito ang batas at kung hindi pa rin sumunod ay may kalalagyan daw ang mga ito.
Ayon kay Peña, dapat gawin ng City Council ang trabaho nito dahil inihalal sila ng mga taga-Makati.
Nangako naman ang acting Mayor na ibabalik ang normal na operasyon sa City Hall matapos bumaba sa pwesto si Binay.
“Makakaasa kayo na kasama niyo ako sa tuloy-tuloy nating pagseserbisyo sa ating mahal na lungsod,” ani Peña.
Pero kasabay ng pag-upo ni Peña bilang acting Mayor ng Makati ay hindi nito maaasahan ang suporta ng tatlumput-tatlong Barangay Chairpersons sa syudad.
Ayon kay Chairman Kim Reyes ng Bgy. Kasilawan, nananatiling ‘loyal’ kay Binay ang mga pinuno ng tatlumpung barangay.
Gagampanan aniya nila ang kanilang trabaho sa kanilang nasasakupan at kung ipapatawag sila ay rerespetuhin nila ito, pero hindi raw sila papayag kung pipilitin sila ni acting Mayor Peña
Nalungkot daw ang mga Barangay Chairmen sa pagbaba sa pwesto ni Binay pero alam nila na kailangang sumunod sa batas./ Len Montaño