No show sa UNA launching si Manila Mayor Joseph Estrada

una launch
Kuha ni Ricky Brozas

Pinangunahan ng pamilya Binay at ibang pulitiko tulad ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang pormal na paglulunsad ng United Nationalist Alliance o UNA bilang partido sa 2016 election.

Ngunit ang isa sa lider ng oposisyon na si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada na kasama nina Vice Pres. Jejomar Binay at Senator Juan Ponce Enrile sa pagtatatag ng naturang partido ay hindi nakadalo sa naturang okasyon.

Sa harap ng libu-libong supporters ay naluklok si VP Binay bilang Chairman ng UNA party.

Samantala, suspendido man bilang Makati Mayor ay hindi pinalampas ni Junjun Binay ang pagdalo sa paglulunsad ng partido ng kanyang ama.

Kasama rin sa paglulunsad ng partido sina Dra. Elenita Binay at magkapatid na sina Senator Nancy Binay at Representative Abigail Binay.

Bukod naman kay Pacquiao, ilan sa mga pulitiko sa UNA event ay sina Sen. JV Ejercito, dating Senador Ernesto Maceda at dating Zambales Rep. Mitos Magsaysay.

”May karapatan naman tayong pumili ng nasa puso natin,” sagot ni Pacquiao sa media sa tanong kung takot ba itong bweltahan ng administrasyon dahil sa pagsama sa UNA party.

Una nang sinabi ni UNA party spokesman Mon Ilagan na may unang lakad si Erap at pinag-iisipan pa nito ang ilang isyu tulad ng posibleng suporta kay Sen. Grace Poe na anak ng matalik niyang kaibigan na si Fernando Poe o di kaya ay ang muling pagtakbo bilang Pangulo.

Samantala, pormal nang naghalal ang UNA party ng kanilang mga opisyales.

Si Navotas Rep. Toby Tiangco ang napili bilang UNA president habang nahalal naman bilang vice president ng partido si Senador Gringo Honasan, si Atty. JV Bautista bilang Secretary-general at dating Finance Secretary Gary Teves bilang Treasurer. – Len Montaño/Ricky Brozas

 

Read more...