Sa survey results na inilabas ng SWS Linggo ng gabi, 65% ng mga Pinoy ang nagsabing dapat matapos na ang martial law sa katapusan ng 2019 habang 34% ang naniniwalang dapat itong palawigin.
Sa 34% na suportado ang martial law extension, 22% ang nagsabi na dapat itong palawigin sa buong Mindanao; 7% ang naniniwalang dapat lang itong palawigin sa Marawi City at sa lalawigan ng Lanao del Sur; habang 5% ang nagsaing dapat itong palawigin sa Marawi City, lalawigan ng Lanao del Sur at mga katabi nitong lalawigan.
Mataas ang panawagan na ibasura na ang Mindanao martial law sa lahat ng lugar sa bansa.
Samantala, 49% ang sumang-ayon sa pahayag na ‘wala nang banta ng isa pang pag-atakeng terorista na gaya ng sa Marawi ang mangyayari saanman sa Mindanao’, 16% ang hindi sang-ayon; at 35% ang undecided o hindi tiyak ang sagot.
Nagbigay ito ng net agreement score na +33, nasa klasipikasyong ‘very good’ ng SWS.
Sa pahayag namang ‘mula noong panahong idineklara ang Martial Law sa Mindanao, hanggang sa kasalukuyan, ang militar ay kakaunti lamang, kung mayroon man, ang ginawang pang-aabuso sa karapatang pantao sa Mindanao’, 55% ang sumang-ayon; 14% ang hindi sang-ayon; at 32 percent ang hindi tiyak ang sagot.
Nagbigay ito ng net agreement score na +41 na ‘very strong’.
Ang survey tungkol sa martial law sa Mindanao ay isinagawa noong December 13 hanggang 16 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adults sa buong bansa.
Ayon sa SWS, ang survey ay non-commissioned at ito ay kabilang sa inisyatibo ng research firm at inilabas bilang serbisyo-publiko.