Duterte pangungunahan ang Rizal Day rites sa Davao City

Pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggunita sa ika-123 Araw ng Kabayanihan ni Jose Rizal ngayong umaga sa Davao City.

Ayon kay Communications Assistant Secretary for special concerns Joseph Lawrence Garcia, ang pangulo ang mangunguna sa Rizal Day rites sa Rizal Park sa naturang lungsod.

Una rito, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi sisiputin ng presidente ang Rizal Day rites sa Luneta upang bigyang-pugay ang iba pang bayaning Filipino na wala namang petsa para magunita ang kabayanihan.

Ayon kay Panelo, nais ng pangulo na alalahanin ang kabayanihan ni Gregorio del Pilar ngayong Rizal Day.

Magugunitang noong 2018, hindi rin sumipot ang pangulo sa Rizal Day rites upang magpahinga.

Samantala, matapos ang seremonya ngayong araw ay inaasahang bibisita si Duterte sa mga biktima ng lindol sa M’lang, Cotabato at Digos City.

Ang tema ng Rizal Day ngayong taon ay ‘Jose Rizal: Huwaran ng Pilipino sa Ikadalawampu’t Isang Siglo’.

Ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Department of Education (DepEd) kasama ang mga kaukulang ahensya ng gobyeno, mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor ay magsasagawa ng sabayang flag raising at wreath laying rites ngayong alas-7:00 ng umaga.

Kabilang sa mga venue ng sabayang aktibidad na ito ay ang Luneta Park sa Maynila (National Capital Region), Rizal Shrine sa Calamba, Laguna (Region 4-A), Rizal Shrine sa Dapitan City (Region 9) at iba pang lungsod at bayan sa pangunguna ng local government units (LGUs).

Read more...