“2020: Salamat Lord, buhay pa kami!” sa WAG KANG PIKON! ni Jake Maderazo

Sa pagpasok ng 2020, unang-unang dapat pasalamatan ang regalo ng Mahal na Panginoon sa bawat isa sa atin. Pinayagan niya tayong mabuhay kaakibat ang pag-asa at paniniwala na pagagandahin natin ang buhay sa mundong ito.

Ang nakaraang 2019 ay siksik ng magkahalong trahedya at tagumpay. Enero pa lang, binomba ng dayuhan at mag-asawang “suicide bombers” ang Cathedral of Mount Carmel sa Jolo, 20 ang namatay. Pebrero naman ng mabuo ang Bangsa Moro Autonomous region. Marso, nangyari ang mahabang pila ng tubig mula Manila Water. Abril 22, tumama ang Magnitude 6.1 lindol sa Luzon, 16 ang nasawi. Kinabukasan, magnitude 6.5 lindol naman ang yumanig sa San Julian, Samar.

Mayo 13 nang idaos ang general elections at nanalo sina Isko Moreno ng Maynila, Joy Belmonte ng QC, Vico Sotto ng Pasig at Abby Binay ng Makati. Walang lumusot sa mga kandidato ng Liberal Party sa Senado at lahat ng pamilya ni ex-Pres. Joseph Estrada ay talo sa lahat ng pwesto.

Hunyo nang sumiklab ang mga anomalya sa loob ng Philhealth at binangga ng Chinese ship ang F/B Gem-Ver sa Reed bank, West Philippine sea. Hulyo nang ipahinto ni Pres. Duterte and “lotto” at maging “small town lotteries” ng PCSO samantalang lima katao naman ang namatay sa magkasunod na Magnitude 5.9 na lindol at aftershock na Magnitude 5.4 sa Batanes.

Agosto nang masawi ang 31 katao sa paglubog ng tatlong motorboats sa Guimaras strait samantalang muntik nang makalaya si Calauan Laguna mayor Antonio Sanchez dahil sa good time conduct allowance (GCTA) sa New bilibid prisons.

Setyembre nang sibakin ni Pres. Duterte si Director Nicanor Faeldon matapos makalaya ang mga suspect sa Chiong Sisters at iba pa. Kasabay nito, nakumpirma ng Dept of Agriculture ang unang kaso ng African Swine fever (ASF) sa Rizal.

Oktubre nang mapilitang magbitiw ng mas maaga bilang PNP Chief si Gen. Oscar Albayalde matapos ang imbestigasyon ng mga “ninja cops” sa Senado. Tatlong sunod na higit Magnitude 6 na lindol ang tumama sa Cotabato na ikinasawi ng 20 katao at nasugatan ang 273 na ibapa.

Nobyembre nang hirangin ni Duterte si VP Robredo bilang co-chair ng ICAD na mamahala sa war on drugs, pero sinibak naman kaagad.

Nitong Disyembre, ang pinakamalaking balita ay ang “conviction” ng mga Ampatuan sa masaker sa Maguindanao. Pero bago yan, may magnitude 6.9 na lindol sa Matanao Davao del Sur kung saan pito ang namatay at higit 100 ang nasugatan.

Para sa taong 2020, marami tayong pangarap na mangyari.

Una, bantayan ng bawat mayor ang mga presyo ng bilihin sa sarili nilang mga palengke. Disiplinahin ang mga biyahero na walang tigil sa pagpapayaman. Asikasuhin din ng gobyerno na bumaba ang presyo ng mga gamot.

Ikalawa, magkatotoo na ang “universal health care” kung saan libre na ang pagpapaospital ng mga mahihirap at lahat ng mamamayan na ang magbabayad ay “sin taxes”.

At Ikatlo, mawala na sana ang traffic sa EDSA at C5, kapag nagsimula na sa Abril 2020 ang “Skyway stage 3-Balintawak to Buendia” at ang bagong Santa Monica Lawton bridge na magkokonekta sa Ortigas Pasig at BGC sa Marso 2020.

Marami pang dapat ipagdasal sa susunod na taon, pero, iwan na natin iyan kay Lord. Hindi naman niya tayo pinapabayaan.

Read more...