2 patay, 6 sugatan matapos araruhin ng AUV sa Quezon City

Nauwi sa disgrasya ang isang party sa Bgry. San Jose, Quezon City, Lunes ng gabi matapos mang-araro ang isang AUV.

Patay ang dalawang babae habang sugatan ang anim na iba pa matapos mabangga ng sasakyan na minamaneho ni Edmund Sumondong.

Kinilala ang mga nasawi na sina Elena Baga, 32 anyos at Zenaida Zamora, 65 anyos.

Ayon kay Police Staff Sergeant Jayson Gutierrez ng QC Traffic Sector 1, nagsasaya sa kalsada ng Tinagan Street ang mga biktima.

Matapos baybayin ang Mauban Street, mabilis na lumiko ang sasakyan pa-Tinagan at naararo ang mga nagsasayang biktima.

Hindi na nakapreno pa ang sasakyan at tuluyang inararo ang mga tao at bumangga pa sa isang pampasaherong jeep.

Lumalabas sa imbestigasyon na nakainom ang Sumondong at ang kasama nito sa sasakyan na nakilalang si Jessie Salambao.

Napag-alaman din na walang lisensya si Sumondong at nagpapaturo lang sa pagmamaneho nang mangyari ang insidente.

Read more...