Nagtaas na ng blue alert status ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) bilang paghahanda sa Tropical Storm Ursula na mananalasa sa bansa simula ngayong araw.
Nagsagawa ng pre-disaster meeting ang NDRRMC kasama ang mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno araw ng Lunes.
Natukoy sa pulong na aabot sa 2,939 baranggay sa mga bulubunduking lugar ang delikado sa pagguho ng lupa habang 3,652 baranggay naman ang nanganganib sa pagbaha sa mga mabababang lugar sa CALABARZON, MIMAROPA, Regions V, VI, VIII, Caraga at BARMM.
Nakapaghanda na rin ang DSWD ng 259,975 family food packs sa 17 field offices nito sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.
Bukod pa ito sa P612 milyong halaga ng non-food relief items na naihanda na rin ng ahensya.
Tiniyak ng NDRRMC na may karagdagang stocks ng relief items ang naka-standby at maaaring ipamahalagi kapag kinakailangan.
Nakaalerto na rin ang DSWD at DILG sa posibleng paglikas sa mga residente.
Pinapayuhan ng NDRRMC ag publiko na i-monitor ang galaw ng bagyo.