Pangulong Duterte, bukas na magkaroon ng sariling pulis at militar ang BARMM

Bukas na si Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng sariling pulis at militar ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa talumpati ng pangulo sa distribution ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa agrarian reform beneficiaries sa Cotabato City, sinabi nito na kinakailangan lamang na tiyakin ng BARMM na papatayin din ang mga terorista.

Pakiusap pa ng pangulo, huwag rin sanang gamitin ng BARMM ang sariling pulis at militar laban sa pamahalaan na lumikha sa rehiyon.

Sinabi pa ng pangulo na ibinigay na ng pamahalaan ang lahat ng gusto ng BARMM kung kaya dapat na itong umayos.

Pagbabanta ng pangulo, sakaling magtaksil ang BARMM, tiyak na gulo ang kalalabasan nito.

Personal ding umapela ang pangulo kay BARMM interim minister Al Haj Ibrahim Murad na resolbahin na ang mga problema sa rehiyon lalo’t dalawang taon na lamang ang nalalabi sa kanyang panunungkulan.

Sinabi pa ng pangulo na dapat na tiyakin ni Murad na magkakaroon na ng working government sa HajIbrahim Murad dahil hindi niya mabatid kung sino ang papalit sa kanyang pwesto sa 2022.

May 2018 nang sinabi ng pangulo na ayaw niyang magkaroon ng hiwalay na pulis at militar sakaling maitatatg na ang BARMM.

Read more...