Pagkakasama ni Pangulong Duterte sa hitlist ng NPA, false news – Palasyo

False news.

Ito ang naging tugon ng Palasyo ng Malakanyang sa ibinunyag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na kasama sa hitlist ng New People’s Army (NPA) si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, nabigyan ng maling impormasyon si Esperon.

Pinabulaanan na rin aniya ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na may plano ang kanilang hanay na likidahin si Pangulong Duterte.

Pero ayon kay Panelo, hindi naman malayo sa katotohanan na kasama sa hitlist ng NPA si Pangulong Duterte.

Paliwanag ni Panelo, wala namang ibang hinangad ang rebeldeng grupo kundi ang pabagsakin ang gobyerno at patayin ang mga opisyal ng pamahalaan na nagpapatakbo sa gobyerno.

Sakali man aniyang may gagawing pag-atake ang rebeldeng grupo, tiniyak naman ni Panelo na palaging nakahanda ang pamahalaan.

50 taon na aniyang nakikibaka ang rebeldeng grupo subalit hanggang ngayon, palagi silang bigo.

Read more...