Pag-ban ng US sa mga opisyal ng Pilipinas na nasa likod ng pagpapakulong kay de Lima, balewala sa Palasyo

Hindi nababahala ang Palasyo ng Malakanyang sa pag-apruba ni US President Donald Trump na i-ban o pagbawalan nang makapasok sa Amerika ang mga personalidad na nasa likod ng pagkakakulong ni Senator Leila de Lima.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, may colatilla sa batas ng Amerika na kinakailangan muna na may credible information bago harangin ang sinumang Philippine government officials na makapasok sa Amerika.

Sinabi pa ni Panelo na may proseso na ang Amerika at hindi na ito pakikiaalaman pa ng Pilipinas dahil ayaw rin naman ng administrasyon na pakialaman ang mga panloob na proseso ng bansa.

Kumpiyansa si Panelo na hindi makakukuha ang Amerika ng credible information para patunayan na isang malaking pagkakamali ang pagkakakulong ni de Lima.

Iginiit pa ni Panelo na mismong ang korte sa Pilipinas na ang nagsabi na may sapat na impormasyon na nakita para ikulong si de Lima dahil sa pagkakaugnay nito sa ilegal na droga.

Kasabay nito, ipinauubaya na ni Panelo sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung maghahain ng formal communication sa pamahalaan ng Amerika.

Read more...