Ipinaaalerto ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang lahat ng kanilang mga commander sa field para sa posibleng pag-atake ng mga rebelde sa mga himpilan ng pulisya.
Ito ay sa kabila ng umiiral na tigil-putukan.
Ang babala ay ibinaba ni Gamboa kasabay ng ika-51 anibersaryo ng komunistang grupo sa Disyembre 26 at kasunod ng umiiral na Suspension of Police Operations (SOPO) matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tigil-putukan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebelde ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Pero sa panahong ito ay sinasamantala ng NPA at patraydor na inaatake ang mga himpilan ng pulisya at command post ng Militar sa tuwing sumasapit ang kanilang anibersaryo bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang.
Hindi pa man nagtatagal ang tigil-putukan, isang insidente na ng pag-atake ng NPA ang nangyari sa Barangay Singon sa Tubungan kung saan dalawang pulis ang nasugatan.