Dalawang gwardya ng DPWH patay sa pamamaril sa kasagsagan ng Christmas Party

Patay sa pamamaril ang dalawang security guards ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nangyari ang insidente sa kasagsagan ng Christmas party ng mga gwardya malapit sa main office ng DPWH sa Port Area sa Maynila, linggo ng gabi.

Ayon sa Ermita Police Station ng Manila Police District (MPD), nagaganap ang Christmas party nang bigla na lamang nagpaputok ng baril ang gwardyang si Wilfredo Gamayon gamit ang kaniyang 9mm pistol.

Isinugod pa sa Manila Doctors Hospital at Philippine General Hospital sina Mark Jason Dela Cruz, 36 at Ruben Roces, 63 pero kapwa hindi umabot ng buhay.

Sugatan naman ang dalawa pang gwardya na sina Eric Pantastico at Rachel De Guzman na nagtamo din ng tama ng bala ng baril.

Sinubukan pang tumakas ni Gamayon pero naaresto din ito ng mga pulis.

Nakuha sa crime scene ang service firearm ni Gamayon at pitong basyo ng bala ng baril.

Patuloy pang inaalam kung bakit nagpaputok ng baril si Gamayon.

Read more...