Tiniyak ng Malakanyang na magiging madugo at walang humpay pa rin ang kampanya kontra sa ilegal na droga at korupsyon sa huling dalawang taong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi babaguhin ng administrasyon ang estratihiya sa dalawang nabanggit na problema.
Sinabi pa ni Panelo na tatapusin ng pangulo ang paglaban sa ilegal na droga at korapsyon hanggang sa huling araw sa Malakanyang.
Ibinida naman ni Panelo na tanging si Pangulong Duterte lamang ang bukod tanging pangulo ng bansa na nakagawa ng malaking punto kontra sa ilegal na droga.
Inihalimbawa nito ang nakumpiskang bulto-bultong ilegal na droga, milyong adik na nagsisuko at mga napatay na drug suspects na nanlaban sa awtoridad.