Pahayag ito ng Palasyo matapos ratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pambansang pondo.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi nababago ang paninindigan ni Pangulong Duterte na ive-veto ang anumang probisyon na hindi naayon sa saligang batas.
Una rito, sinabi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na mayroong P83 bilyong pondo ang inilaan sa mga kwestyunableng proyekto.
Ayon kay Panelo, aaprubahan ng pangulo ang mga naayon sa batas at tatanggalin ang labag sa batas.
“Gaya ng sinasabi natin, mula’t sapul kapag mayroong isang batas o panukala sa kanyang lamesa, ito ay sasang-ayunan at pipirmahan niya kung ito’y naayon sa saligang batas at anumang probisyon na labag dito ay kanyang ive-veto. ‘Yun ang palagi niyang sinasabi,” ayon kay Panelo.
Matatandaang ivineto ni Pangulong Duterte ang P95 bilyong pondo dahil sa kwestyunableng proyekto na nakapaloob sa 2019 national budget.
Hindi naman matukoy ni Panelo kung kailan lalagdaan ni Pangulong Duterte ang 2020 national budget.