Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na sa ngayon, maaring natanggap na ng pangulo ang rekomendasyon ng dalawnag grupo.
Hindi naman matukoy ni Panelo kung aaprubahan ng pangulo ang rekomendasyon na ceasefire.
Base sa rekomendasyon ng government peace panel at NDFP, iiral ang tigil-putukan ng hating-gabi ng December 23, 2019 at tatagal ng hanggang January 7, 2020.
Kasabay nito, hinimok ng Palasyo ang rebeldeng grupo na itigil na ang limang dekadang pakikibaka laban sa pamahalaan.
Mas makabubuti aniyang magbalik-loob na sa pamahalaan at itigil na ang pagpatay sa kapwa Filipino.
“Ang mensahe ng Malakanyang sa kanila ay panahon na upang sila ay magbalik na muli sa ating lipunan, yan ang mensahe ni president. Tama na yung limang dekada na pakikipaglaban na nagresulta ng maraming patay sa magkabilang panig,” ani Panelo.
Mahalaga aniya na magkaroon na ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
“Kailangan magkaroon na tayo ng matagalang kapayapaan sa ating bansa,” dagdag pa ng kalihim.
Sa December 26, ipagdiriwang ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang kanilang anibersaryo.