Kung may humingi man ng kaniyang testimonya hinggil sa anumang nalalaman niya noong nangyari ang madugong Mamasapano encounter, gagawin lamang ito ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa ilalim ng panunumpa.
Ito’y matapos ibunyag ni Duterte sa harap ng media na kasama niya si Pangulong Benigno Aquino III sa Zamboanga City noong mismong araw na naganap ang engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng SAF 44 commandos noong January 25, 2015.
Ayon kay Duterte, bilang isang opisyal ng gobyerno, inimbita siya ni dating Interior and Local Government Sec. Mar Roxas na dumalo sa pagtitipong pinangunahan ng psngulo sa Edwin Andrews Air Base (EAAB) noong araw na iyon.
Ngunit, nangako si Duterte na magiging tikom ang kaniyang bibig sa mga detalyeng napag-usapan sa pagtitipon na iyon dahil confidential ang mga impormasyong napag-usapan dahil ito ay isang command conference.
Nabanggit pa ni Duterte na alam na niya ang mga kaganapan sa Mamasapano ilang oras bago siya dumating sa EAAB dakong alas-5:30 ng hapon para sa pagtitipon.
Gayunman, sinabi ni Duterte na sakali mang ipatawag siya sa re-investigation ng Senado tungkol sa engkwentro, maaring mapilitan siyang magsalita, basta’t sa ilalim ng isang “oath” o panunumpa.
Handa man si Duterte na sabihin ang kaniyang nalalaman, hindi naman aniya masyadong importante sa imbestigasyon ang anumang hawak niyang impormasyon.
Samantala, sinabi naman ni Duterte na labis niyang ipinagtataka kung bakit sumugod doon ang mga kasapi ng Special Action Force sa kauna-unahang pagkakataon, gayong batid na hindi naman nila kabisado ang pasikut-sikot sa lugar.
Tulad din aniya ng iba, isa siya sa mga nagna-nais malaman ang buong katotohanan sa mga kaganapan sa Mamasapano isang taon na ang nakalilipas.