Mga hiling ng pamilya ng SAF 44, naibigay

 

Marami sa mga hiniling ng mga pamilyang naiwan ng SAF 44 ang naibigay ng pamahalaan.

Ito ang nilalaman ng mga dokumentong mula sa PNP Directorate for Comptrollership na nagpapatunay na naibigay ang mga benepisyong inilaan para sa mga pamilya ng 44 na namatay na SAF commandos.

Sa mga naturang dokumento na nakuha ng Inquirer, kabilang sa mga hiniling na benepisyo ng isang pamilya ng nasawing SAF ay ang P300,000 na puhunan para sa kanyang internet café.

Ang isa naman na humingi ng P100,000 para makapagsimula ng isang sari-sari store ay naibigay din.

Naaaprubahan na rin ang hiling ng ama ng isa sa mga napaslang na SAF commando na mabigyan ng educational assistance ang 17 sa mga pamangkin nito.

Batay din sa naturang dokumento, nabigyan na rin ang halos lahat ng mga pamilya ng kani-kanilang mga sariling pabahay o di kaya ay pondo upang makapagpakumpuni ng kanilang mga tahanan.

Ang naturang benepisyo ay bukod pa sa P92-milyon cash na tinanggap ng mga pamilya mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na tumugon sa kanilang panawagan, batay sa naturang dokumento.

Una nang binanggit ng Malacañang na umaabot sa P188.33-milyon na halaga ng benepisyo ang naibigay sa mga pamilyang naiwan ng SAF 44.

Ayon sa source ng Inquirer, ang naturang dokumento ang makapagpapatunay na hindi totoo ang mga alegasyon na kapos ang ibinibigay na tulong ng pamahalaan sa mga namatay na sundalo sa madugong Mamasapano incident.

Sadyang may ilan lamang aniya sa mga kaanak ng SAF 44 ang inabuso ang kabaitan ng pamahalaan at ang pag-aalala ng publiko sa sinapit ng mga sundalong biktima, ayon pa sa source ng Inquirer.

Bukod sa mga cash at pabahay, nagsimula na ring tumanggap ng hanggang P50,000 na monthly pension ang pamilya ng bawat sundalo, depende sa ranggo ng mga ito.

Samantala, noong February 2015, isang resolusyon ang ipinasa ng Philhealth na nagbibigay ng lifetime coverage sa mga lehitimong dependents ng SAF 44.

Read more...