Sa talumpati sa pagdiriwang ng ika-68 anibersaryo ng pagkakatatag ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sinabi ng presidente na sinisira ng mga terorista at komunista ang buhay ng mga Filipino.
“Isa pang kalaban natin na sumisira sa buhay natin ay itong mga terorista, kasali na ang NPA, kasali na ang mga kidnap-for-ransom nandiyan sa Jolo, ang Abu Sayyaf at lahat na at ang utos ko sa kanila, ‘pag sila ay lumaban, durugin para matapos na ang problema ng mga Pilipino,” ani Duterte.
Ayon sa pangulo, aakuin niya ang buong responsibilidad sa mga gagawing hakbang ng militar para wasakin ang mga kriminal at terorista.
“I and I alone. Kung sakali man, [I] will go to prison. You can enjoy your freedom. I will take the risk. I am old. I am disposable,” giit ng pangulo.
Ang pahayag ng presidente ay dalawang linggo makaraang ianunsyo niya ang posibilidad ng muling pagbabalik ng usapang pangkapayapaan sa mga komunista.
Una nang sinabi ni Duterte na ipadadala niya si Labor Secretary Silvestre Bello III sa The Netherlands para makipag-usap kay Communist Party of the Philippines (CPP) leader Jose Maria Sison.