Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese national at dalawang Hongkong national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa mga pekeng travel document.
Ayon kay Grfton Medina, hepe ng BI port operations, nahuli ang apat sa NAIA Terminal 2 matapos makarating mula sa Philippine Airlines (PAL) flight mula sa Hongkong.
Ayon naman kay Ma. Timotea Barizo, hepe ng BI travel control and enforcement unit (TCEU), bibiyahe pa sana ang dalawang Hongkong national na sina Lam Mik Ho at Mak Hin Chun Adrian sa kanilang connecting flight patungong Toronto, Canada.
Sa pag-check in, napag-alaman ng airline representatives na iprinisinta ng dalawa pang Chinese national na sina Chen Kaihui at He Chaorong ang Hong Kong passports na may pangalan nina Lam at Mak.
“There were two sets of Lam and Maks who wanted to transit to Canada, both sets carrying the same documents,” ani Barizo.
Sa isinagawang forensic document examination, nadiskubreng nagprisinta sina Chen at He ng mga pekeng Hong Kong passport.
Nakuha rin naman kalaunan sa dalawa ang kanilang Chinese passports.
Kinansela rin ng mga otoridad sa Canada ang inilabas na electronic travel authorization (ETA) kina Lam at Mak dahil sa misrepresentation.
Bunsod nito, ipinag-utos ni BI Commissioner Jaime Morente na mapabilang ang apat sa immigration blacklist.
“These undesirable aliens should be banned from entering our country. They have no right to use the Philippines as a jump off point to enter other countries illegally. Let this serve as a warning. You will be caught,” dagdag ni Morente.
Agad namang pinabiyahe ang apat sa Hong Kong at hindi na muling makakapasok ng bansa.