Eroplano na patungong Japan, lumagpas sa bahagi ng Runway 13-31 sa NAIA; Clearing ops, patuloy pa rin

Lumagpas ang isang eroplano sa bahagi ng Runway 13-31 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Sabado ng madaling-araw.

Sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA), pa-takeoff na ang Airbus A320 jet na patungong Narita, Japan nang lumagpas sa Runway Safety Area (RSA – grassy area) ng paliparan bandang 2:32 ng madaling-araw.

Agad namang rumesponde ang MIAA Fire and Rescue and Operations teams para asistihan ang lahat ng 139 at isang sanggol na pasahero at crew member ng Jetstar Japan flight GK40.

Dinala ang mga ito sa NAIA Terminal 1 sa pamamagitan ng mga shuttle bus.

Dahil sa insidente, pansamantalang sinuspinde ang operasyon sa Runway 13-31.

Personal na binabantayan nina Airport General Manager Ed Monreal at CAAP Director General Jim Sydiongco ang ikinasang aircraft removal operations.

Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang Aircraft Accident Investigation Inquiry Board (AAIIB) para alamin ang naging dahilan ng insidente.

Bunsod nito, na-divert ang sumusunod na tatlong flights sa Clark International Airport sa Pampanga:
– Cebu Pacific flight 5J269 mula Xiamen patungong Maynila
– Cebu Pacific flight 5J580 mula Cebu patungong Maynila
– Air Asia flight Z2889 mula Seoul patungong Maynila

Sa ngayon, bandang 10:30 ng umaga, sinabi ng MIAA na nadala na ang Jetstar Asia Airbus A320 jet sa Lufthansa Technik Aircraft Maintenance Center.

Patuloy pa rin naman ang clearing operations sa paliparan.

Nasa kabuuang 11 biyahe ang na-delay bunsod ng insidente.

Read more...