NCRPO chief binatikos sa umano’y pamamahiya sa isang babaeng reporter

Kinondena ng National Press Club (NPC) si National Capital Region Police Office (NCRPO) acting chief Brig. Gen. Debold Sinas matapos ang umano’y pambabastos nito sa isang babaeng reporter habang isinasagawa ang ocular inspection para sa Traslacion 2020 sa Maynila.

Sa isang pahayag, sinabi ni NPC Vice President at Press Freedom Committee chairman Paul Gutierrez na nagtatanong ang mamamahayag kay Sinas ukol sa inspeksyon.

Pero tumanggi umano si Sinas at kalaunan ay tinakpan pa ang mukha ng reporter gamit ang kamay at saka tinalikuran.

“Sa mga ulat na natanggap natin sa mga kapatid natin sa media, ‘yun bang kamay ni acting RD (regional director) Sinas ay isinupalpal sa mukha ng ating kapatid na reporter na babae pa naman,” ani Gutierrez.

Nang subukan muling lumapit ng reporter kay Sinas, sinabihan umano nito ang mamamahayag ng: “Hindi ba sinabi ko sa iyo, mamaya ka na at mag-isa ka pa lang.”

Dahil dito, sinabi ni Gutierrez na naramdaman umano ng reporter na siya ay napahiya at umalis na lamang sa lugar.

Pero sa pahayag ng NCRPO, pinasinungalingan nito ang impormasyon ukol kay Sinas.

Ayon sa NRCPO, ang babaeng reporter pa ang sumubok na gambalain ang pakikipag-usap ni Sinas kina Quiapo Church rector Monsignior Hernando Coronel, Alex Limbaga at mga Hijos de Nazareno.

“We are saddened by the information that (one reporter) allegedly felt stifled by PBGEN SINAS earlier this morning during the initial walkthrough,” ayon sa NCRPO.

“In reality, the media personality interrupted the ongoing conversation between PBGEN SINAS, Monsignior Hernando Coronel, the Head of Quiapo Church, Mr. Alex Limbaga and Nazareno hijos with regard to the upcoming traslacion,” dagdag nito.

Sumingit umano ang reporter sa gitna ng pag-uusap ng walang permiso.

Iginiit ng NCRPO na ang sinabi ni Sinas sa reporter ay: “Sandali lang miss, nag-uusap pa kami.”

Pero makulit umano ang mamamahayag at muling sumingit sa usapan.

Kahit kailan umano ay walang intensyong manupalpal ng mukha si Sinas.

Sinabi ng NCRPO na iginagalang ng police official ang media at kinikilala nito ang kanilang kahalagahan sa serbisyo publiko.

Read more...