Isa sa mga Pinoy seafarer na dinukot ng mga pirata sa Togo nasawi

Pinalaya na ng mga pirata ang tatlong crew na dinukot mula sa isang Greek oil tanker na Elka Aristotle sa karagatan ng bansang Togo noong Nobyembre.

Gayunman, ang ikaapat na hostage, na isang Filipino ay nasawi dahil sa sakit habang nasa kamay ng mga pirata ayon sa pahayag ng European Products Carriers Ltd. araw ng Biyernes.

Wala nang iba pang detalye na sinabi ang kumpanya tungkol sa pagpapalaya sa mga bihag.

Inatake ang Elka Aristotle noong Nobyembre 4 sa layong 18 kilometro mula sa port of Lome.

Dinukot ng mga pirata ang crew nito na dalawang Filipino, isang Greek at isang Georgian.

Sinabi ng kumpanya na ligtas ang tatlo ay ligtas at kasalukuyang sumasailalim sa debriefing ng mga lokal na awtoridad bago ito pauwiin sa kani-kanilang mga bansa.

Inilunsad naman ang imbestigasyon sa pagkamatay ng Pinoy crew.

Nananatiling mapanganib sa pagdukot at nakawan ang Gulf of Guinea sa West Africa sa kabila ng pagbaba ng insidente ng piracy sa ibang bahagi ng mundo.

Iginiit ng Togo navy na may armed guards ang Elka Aristotle at sinubukang labanan ang mga pirata.

Read more...