Ito ay matapos iulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na bigo ang Malacañang at ang Office of the Ombudsman na isapubliko ang 2018 SALN ng pangulo halos walong buwan matapos ang deadline ng paghahain nito o noong April 30.
Ayon sa ulat ng PCIJ, simula nang isabatas ang SALN law noong 1989, ang limang presidente bago si Duterte ay hindi nabigo na isapubliko ang kanilang SALN taun-taon.
Pero sa pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo araw ng Biyernes, iginiit nito na tumalima si Duterte sa itinatakda ng Konstitusyon ukol sa SALN.
“The President has complied with what the Constitution or law requires – the timely submission of a declaration under oath of his assets, liabilities, and net worth,” ani Panelo.
Nilinaw ng kalhim na hindi obligado ang presidente na magbigay ng kopya ng kanyang SALN sa media o sa kahit sinong may gusto nito.
“Neither instrument requires the President to personally and directly furnish a copy thereof to the media or to whomever wants it. There is a mandated procedure under the law to access the same,” dagdag ni Panelo.
Payo ng Palasyo sa PCIJ, humingi ng kopya ng dokumento sa Ombudsman na lagakan ng orihinal na SALN ng presidente, bise presidente at iba pang opisyal.
Sinabi pa ni Panelo na walang kinalaman ang kabiguan ng PCIJ na makakuha ng kopya ng SALN ng presidente sa polisiya ni Duterte sa transparency sa gobyerno.
“We take strong exception to the thoughts bordering to innuendo of a few that the failures of the PCIJ in getting a copy of the President’s SALN can be ascribed to the President’s policy on transparency,” ayon kay Panelo.