Bilang ng mga nasawi sa pagsabog ng bulkan sa New Zealand umakyat na sa 22

(UPDATE) Umabot na sa 22 ang bilang ng mga nasawi sa pagsabog ng bulkan sa New Zealand.

Natagpuan ng New Zealand military specialists ang anim pang bangkay sa White Island na hinihinalang noong Lunes pa naroon sa lugar kung kailan pumutok ang bulkan.

Dinala ang mga narecover na bangkay ng 6 na Australian nationals at 2 New Zealand nationals sa kalapit na isla sa eastern coast ng New Zealand kung saan naroon ang mga siyentipiko, pulis at militar na sumusubaybay sa mapanganib na operasyon.

Delikado ang isinasagawang retrieval operation dahil sa toxic gas na inilabas ng bulkan na nakamamatay at ang sitwasyon sa lugar.

Magsasagawa pa ng retrieval operation para makuha ang dalawa pang bangkay na hindi pa natatagpuan.

Dadalhin ang mga bangkay sa Auckland para sa medical examination at para matukoy ang pagkakakilanlan.

Popular sa mga turista ang bulkan sa White Island nang ito ay biglang pumutok nooong Lunes.

Mayroong 47 katao na nasa White Island nang pumutok ang bulkan. 24 sa kanila ay mula sa Australia, 9 mula sa United States, 5 mula sa New Zealand, 4 mula sa Germany, at tig-2 galing China at Britain at 1 ang galing Malaysia.

Read more...