Nag-ikot ang mga opisyal ng DTI araw ng Huwebes sa ilang mga palengke sa Quezon City at tiningnan ang presyo ng noche buena items.
Ayon kay DTI Consumer Protection Group Usec. Ruth Castelo, mapapako na ang presyo ng noche buena products hanggang sa katapusan ng Disyembre batay sa suggested retail price bulletin na inilabas noong October 30.
“We give the assurance sa consumers natin na kung ano iyong nasa suggested retail price bulletin na released on October 30, 2019 ito na iyong magiging presyo until after the holidays,” ani Castelo.
Sa katapusan pa anya ng Enero o Pebrero papayagan ang pagtaas sa presyo ng ilang produkto.
Sinabi pa ni Castelo na may ilang supermarkets na mas mababa pa ng P1 hanggang P10 sa SRP ang bentahan ng ilang produkto gaya ng mayonnaise, pasta tomato sauce, fruit cocktail, ham at queso de bola.
Narito ang bentahan ngayon ng ilang panghanda sa Pasko:
– Spaghetti (1 kilo) Ngayon: P88 (SRP noong Oktubre: P92.50)
– Keso (400 grams) Ngayon: P200.75 (SRP noong Oktubre: 205)
– Fruit Cocktail (3 kilos) Ngayon: P200.50 hanggang P232.75 (SRP noong Oktubre: P202.20 hanggang P235.75)
– Mayonnaise Ngayon: P70.60 hanggang P83.35 (SRP noong Oktubre: P79.50 hanggang P83.25)
Aminado naman ang opisyal na may mga nagbebenta ng mas mataas ang presyo na hindi na nila nababantayan o yaong mga labas sa supermarket.
Dahil dito, pinayuhan ni Castelo ang consumers na sa supermarkets lamang bumili.
“We encourage the consumers na doon sila bumili sa supermarkets na sigurado silang binabantayan ng DTI,” ani Castelo.