Nangangailangan ng pinansyal na tulong ang aktor na si Jiro Manio para sa rehabilitasyon dahil sa nararanasang depresyon.
Ayon kay Andrew Manio, foster father ni Jiro, hindi makausap ng matino ang aktor.
Naglayas si Jiro sa kanilang tahanan sa San Juan City noong June 27 matapos makasagutan ang ama na si Andrew.
Matapos umalis ng kanilang bahay, nakita ito ng mga empleyado ng NAIA Terminal 3 na pagala-gala sa loob at nag-aabang ng mga tirang pagkain ng mga kumakain sa hilera ng mga restaurant at food shops doon.
Ilan sa mga guwardiya ang naawa sa aktor na siyang nagbigay ng pagkain at damit dito.
Kaninang umaga, sinundo na ng kanyang mga kamag-anak si Manio matapos maging ‘viral’ ang kanyang pananatili sa NAIA-T3.
Ayon kay Andrew, gustuhin man niyang ipagamot ang anak, salat sila sa salapi.
Nabatid na nitong taon lang ay sumailalim na si Jiro sa ikalawang drug rehabilitation, ngunit hindi ito natapos dahil sa kakulangan ng pantustos.
Unang ipinasok sa rehabilitation si Jiro noong 2011 dahil din sa pagkakalulong nito sa iligal na droga.
Si Jiro Manio, na ang tunay na pangalan ay Jiro Katakura ay nakilala matapos magwagi bilang FAMAS Best Child Actor noong ito’y 12 anyos pa lamang para sa pelikulang ‘Magnifico’ noong 2004. Nagwagi rin ito ng award sa Gawad Urian at Luna o Film Academy of the Philippines bilang Best Actor para sa kaparehong pelikula sa kaparehong taon. – Chona Yu/Jay Dones