Pulisya: Babaeng Chinese na dinukot sa Makati hindi biktima ng kidnap for ransom

Negatibo na ang kidnap for ransom sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya sa pagdukot sa babaeng Chinese na si Zhou Mei sa Makati City Martes ng madaling-araw.

Sa press briefing ni Makati police chief Police Colonel Rogelio Simon araw ng Huwebes, sinabi nitong abswelto na ang asawa ng babaeng Chinese sa krimen matapos itong lumantad.

Napag-alaman din na walang koneksyon sa pandurukot ang deed of sale na napulot sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon kay Simon, hindi kidnap for ransom ang dahilan ng pandurukot dahil walang kakayahan ang pamilya ng biktima na magbayad.

Kabilang sa mga tinitingnan ngayong motibo sa krimen kabilang ang atraso ng biktima sa pinapasukang POGO company.

“It’s either may kasalanan, may ginawang mali sa company, o personal grudge ‘yung dahilan para kunin siya… Ngayon, doon sa tatlong lead namin dito, mas matimbang ‘yung kanyang kasalanan doon sa company,” ani Simon.

Ayon sa police official, maraming POGO employers ang nagsusumbong ukol sa masamang ginagawa ng mga empleyado tulad ng pagnanakaw ng data.

Nasa kultura anya ng mga Chinese na sakaling hindi madaan sa legal na proseso ang pagtama sa atraso ay idinadaan ito sa sariling mga kamay.

Kahit naman Chinese laban sa Chinese ang krimen, iginiit ni Simon na tuloy ang imbestigasyon dahil may nalabag na batas ng Pilipinas.

Read more...