BPCI: Bb. Pilipinas mananatiling ‘most prestigious’ beauty pageant sa bansa

Patuloy na idaraos ng Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI), ang Binibining Pilipinas pageant sa kabila ng pagkawala sa kanila ng Miss Universe franchise.

Sa pahayag ng BPCI Martes ng hapon, kinumpirma nito ang desisyon ng Miss Universe Organization (MUO) na hindi na mag-renew ng lisensya.

Sa kabila nito, ipinagmalaki ng BPCI ang paghawak sa Miss Universe license sa loob ng 55 taon at pinasalamatan ang 55 nanalo na ipinadala sa Miss Universe pageant.

Sa loob umano ng lampas limang dekadang hawak nila ang lisensya, apat ang nag-uwi ng Miss Universe crown, siyam ang runners-up at 10 ang pumasok sa top 20.

Ibinida rin ng BPCI ang mga kandidatang nagwagi sa iba’t iba pang beauty pageant.

Nanindigan din ang BPCI na mananatiling pinakamaganda at pinakaprestihiyosong beauty pageant sa bansa ang Binibining Pilipinas.

Noong Lunes, inanunsyo na si Miss Universe 2011 3rd runner Shamcey Supsup ang magiging national director ng bagong Miss Universe Philippines organization.

Kasama ni Supsup na mamumuno sa bagong grupo sina Albert Andrada bilang Design Council head at Jonas Gaffud na tatayong Creative Director.

Read more...