P7.4M halaga ng shabu nasabat sa buy-bust sa Marikina

NCRPO photo

Nakumpiska ng pulisya ang aabot sa 1.150 kilograms ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P7.4 milyon sa buy-bust operation sa Brgy. Concepcion Uno, Marikina City, Lunes ng gabi.

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nagkasa ng operasyon kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bahagi ng Libis Street target sina Christian Lucero, 18 anyos at Jomalyn Poblete, 23 anyos.

Positibong nabilhan ng police poseur buyer ng P5,000 halaga ng shabu si Lucero.

Ayon sa pulisya, si Lucero ay hinihinalang drug courier at nagtratrabaho para sa isang babae na ang kapatid ay nakakulong sa New Bilibid Prison at may kaugnayan sa drug lords.

Ikinanta ni Lucero ang kanyang pinagkukunan ng droga na umano’y isang Judith Borda na taga-Concepcion Uno rin.

Nakuha sa mga naarestong suspek ang 34 medium plastic bags, isang malaking Chinese teabag na naglalaman ng large plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu at timbangan.

Dadalhin sa crime laboratory ang nakuhang paraphernalia para sa confirmatory test.

Mahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Read more...