Hahawakan na ang Miss Universe franchise sa Pilipinas ng Miss Universe Philippines Organization.
Ito ay hiwalay na grupo sa Binibining Pilipinas Charities (Inc.).
Mahigit-kumulang 50 taon hinawakan ng BPCI ang franchise ng international pageant maliban sa taunang Binibining Pilipinas pageant.
Inanunsiyo ito sa Facebook page ng Miss Universe Philippines ilang oras matapos koronahan si Miss South Africa Zozibini Tunzi bilang Miss Universe 2019.
Pangungunahan ang bagong organisasyon ni Shamcey Supsup bilang National Director.
Makakasama naman ni Supsup si Albert Andrada bilang Design Council Head, Jonas Gaffud bilang Creative Director, Lia Ramos bilang Head of Women Empowerment Committee and Charity, Atty. Nad Bronce bilang Head of Legal Affairs, at Mario Garcia bilang Business Development/Marketing Head.
Isasagawa naman ang kauna-unahang press conference ng bagong Miss Universe Philippines Organization sa pamamagitan ng live feed sa Facebook at Instagram accounts bandang 6:00, Biyernes ng gabi (December 13).