Ayon sa Manila Public Information Office (PIO), layon ng pulong na magkaroon ng pagkakataon ang mga vendor na ihayag ang kanilang panawagan sa alkalde.
Ayon kay Moreno, alam niya ang sitwasyon ng mga mahihirap kuya kaya’t hindi siya papayag na maargabyado ang mga ito.
Ilan sa mga dinulog ng mga vendor ang pagkakaroon ng prangkisa dahil hindi naman anila alam na kailangan pala ito.
Nangako naman si Moreno na hahanapan ng solusyon ang problema ng mga vendor.
Kasunod nito, ipinaliwanag ni Majority Floor Leader Joel Chua na mayroong tamang proseso para maituring na legal ang pagtitinda sa palengke.
Samantala, nakiusap naman si Moreno sa mga vendor na makiisa sa adhikain ng pamahalaang lokal para maituwid ang mga maling sistema na nakasanayan.
“Ang layunin ng pamahalaang lungsod ngayon ay maipakita at maramdaman ng taumbayan na may gobyerno na sa Maynila,” pahayag ng alkalde.